Biyernes, Hulyo 25, 2014

Munting Pangarap

"Anong gusto mo maging paglaki mo?"


Ito ang kadalasang itinatanong ng mga matatanda sa mga bata. Ako man ay hindi nakatakas sa tanong na ito. Ang sagot ko nga noon, "paglaki ko gusto ko po maging nurse! Para aalagaan ko po yung mga may sakit, tapos pati si Mama at Papa, Nanay at Tatay, pati po si Mommy at Daddy."

Yun ang pagkakaintindi ko sa Nurse. Nakita ko kasing naka puting uniform ang Mommy ko sa mga pictures. Akala ko noon basta nakaputing uniform at may white na nakalagay sa ulo mo nurse ka at pwede kang mag alaga ng may sakit. Naisip ko nung bata ako na kapag tumanda sina Mama at Papa, Nanay at Tatay, magkakasakit sila at kailangan ko silang alagaan, kaya gusto ko mag nurse.


Lumipas ang panahon hanggang sa mag high school ako, gusto ko pa rin mag nurse. Kahit naging kontrobersyal ang kursong ito dahil sa mga leakage ng exam at mababang employment rate. Pero ang galing mangumbinsi ng pinsan kong si Kuya Mac. Kaya pagkatapos ng high school, inilibing ko na din ang pangarap kong ito. Nagtake ako ng Mass Communication, Bachelor in Communication Research na sobrang layo sa pangarap ko nung bata pa ako. Hopeful nga yung buong angkan namin na isang araw makikita nila ako sa harap ng telebisyon at nag uulat ng balita. Sa kasamaang palad, bigo silang makita iyon dahil kasalukuyan akong nagta-trabaho sa opisina at hindi sa media.


Ngayon pagkakataon ko namang magtanong sa mga bata kung ano ang gusto nilang maging paglaki. Kinausap ko ang mga pinsan kong sina Keinne(5 y/o), Larry(9 y/o), at Alex(2y/o).

Sabi ni Keinne, gusto nyang maging Doctor. Basta gusto nya. Di nya ma-explain kung bakit, pero ito ang gusto nya maging paglaki. Wala pa namang doctor sa pamilya namin at wala din akong ideya kung sino ang nang impluwensya sa kanya para gustuhing maging doctor.

Binibiro nga siya ni Nanay (Lola namin), baka daw maging konduktor ng jeep pag hindi nag aral ng mabuti. Suportado ko si Keinne, minsan kasi nakakaaliw na pakinggan ang gusto nya pero nagkukulang ang mga matatanda para suportahan sya. Mahalaga na diligan ang buto ng pangarap na naitanim kay Keinne. Kung mamamatay kasi ito, mahirap na ito buhayin. Kawawa ang taong walang pangarap!

Sino ba ang makakapagsabi na baka isang araw may doktor na din kami sa pamilya! *supportado kita baby!*


Sabi naman ni Larry, gusto nya maging guard, tapos naging pulis na. Astig daw kasi! Supportado ko rin si Larry dahil wala  rin kaming pulis sa pamilya at kung sakali man, siya ang kauna-unahan. Ang sarap pakinggan ng pangarap ng mga bata at mas lalong masarap sa pakiramdam ng mga magulang nila na ang lahat ng munting pangarap na ito ay maisakatuparan.



Dapat maintindihan ng mga batang ito ang kahalagahan ng pangarap. Driving force kasi ito para sa kanilang layunin sa buhay.  Mabuting malaman nila ang gusto nilang propesyon at kung sino sila pagdating ng panahon habang bata pa.

Si Alex ang pinakabata. Hindi pa nya naiisip kung ano ang gusto nya paglaki.

Pero paniguradong may pangarap din ang batang ito.

Gusto kong mangarap yung mga pinsan ko para may motivation sila para mag aral ng mabuti. May ilan kasi kaming pinsan na hindi pa nag aaral kahit nasa hustong gulang na. Hindi rin big deal kung nakatapos ka o hindi. Gusto kong mabago ang culture ng family namin. Big deal ang education, at big deal ang pangarap. Habang bata pa sila dapat na silang taniman ng magagandang pangarap. Dadalhin kasi nila ito hanggang sa pagtanda nila.